dzme1530.ph

Paglilipat ng pagdinig sa Degamo killings dito sa Maynila, kinatigan ng Korte Suprema

Kinatigan ng Korte Suprema ang kahilingan ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na mailipat sa Maynila ang venue ng paglilitis sa kaso ng pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Tatlong dahilan ang tinukoy ni Remulla kung bakit kailangang mailipat ang pagdinig sa mga kasong may kinalaman sa Degamo killings at una na rito ay hindi na umano makakabuti sa mga respondent na dinggin ang kaso sa Negros Oriental, lalo na at galit na ang mga tao sa mga inakusahan.

Ikalawa ay dahil tatlo umano sa mga biktima ay pawang opisyal ng pamahalaan kaya maaaring magkaroon ng intimidation at panggigipit sa mga respondent, private complainants at mga testigo na lilikha ng pagdududa sa trial.

At ikatlo ay mahirap na aniyang ibiyahe ang mga respondent na nakukulong sa NBI Custodial Center sa Maynila patungong Negros Oriental lalo na at hindi sapat ang pasilidad sa lalawigan na humawak ng high-profile na kaso.

Dagdag pa rito, magiging suliranin din ani Remulla ang seguridad at transportasyon para sa mga suspek.

Sa pagpabor sa request ni Remulla, pinagbatayan ang memorandum ni Court Administrator Raul Villanueva kay Chief Justice Alexander Gesmundo na nagsasaad na makabubuti sa lahat ng partido sa kaso na mailipat ang paglilitis sa Manila Regional Trial Court, kung saan patas ang isasagawang trial at hindi maiimpluwensiyahan.

About The Author