dzme1530.ph

Panukalang pag-amyenda sa RTL, tatalakayin ng senado sa pagbabalik ng sesyon sa Hulyo

Kinumpirma ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na target nilang talakayin sa pagbabalik ng sesyon sa Hulyo ang panukalang pag-amyenda sa Rice Tarrification Law (RTL).

Sinabi ni Escudero na batay sa naging pag-uusap nina Pang. Ferdinand Marcos Jr. at Senate Committee on Agriculture Chairperson Cynthia Villar ay may napagkasunduan nang magiging bersyon ng Senado sa panukala.

Batay sa pag-uusap, tatapusin ng Committee on Agriculture ang pagdinig sa panukalang pag-amyenda sa RTL habang naka-break ang sesyon at sa pagbabalik ng Kongreso ay ilalatag na ito sa plenaryo.

Aminado naman si Escudero na maging siya ay may agam-agam sa panukala ng ilan na ibalik na ang kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) na bumili, mag-angkat at magbenta ng bigas.

Sinabi ng senate leader na dapat natuto na ang lahat sa mga pagkakamali makaraang mabalot ng katiwalian ang NFA.

Para sa kanya, mas makabubuting ipagkaloob sa Department of Agriculture ang mandato ng pag-aangkat ng bigas upang matiyak na hindi ito maisasabay sa panahon ng ani ng mga magsasaka.

Muli ring nananawagan ang senador na huwag nang isapubliko ng gobyerno ang anumang planong importasyon ng mga produkto upang hindi maapektuhan ang presyo sa merkado.

About The Author