dzme1530.ph

Relasyon ng Senado at Kamara, paplantsahin ng dalawang lider ng Kongreso

Natakdang magpulong sina Senate President Francis “Chiz” Escudero at House Speaker Martin Romualdez upang pag-usap kung paano nila aayusin ang relasyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Sinabi ni Escudero na nais niyang unang maayos ang ugnayan at relasyon ng mga senador at kongresista bago talakayin ang mga ilalatag nilang panukalang batas na tatalakayin sa ilalim ng kanilang liderato.

Sinabi ni Escudero na bagamat wala pang itinakdang araw at oras ay inaasahang magkikita sila ni Romualdez sa susunod na linggo.

Bago aniya pagusapan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang mga kontrobersyal na panukala tulad ng Charter Change, uunahin muna nilang plantsahin ang relasyon ng Senado at Kamara para sa pagkakataong ito ay maging maayos na, at wala ng palitan ng mga maanghang na salita.

Aayusin din nila ang mga dapat na ayusin at maglalatag ng mga protocols para sa pagkakaroon ng maayos na koordinasyon kaugnay sa mga isinusulong na panukala upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan at miscommunication.

Ipinaliwanag ng senate leader na bagama’t hindi nagkakasundo minsan ang mga senador at kongresista sa ilang mga bagay, hindi ito dapat maging rason para magbatuhan ng dumi at magsabihan ng kung ano-anong masasakit na salita na hindi naman parliamentary.

Una rito ay nagpadala sa kanya ng congratulatory message si Romualdez at nagpasalamat naman siya sa Speaker.

About The Author