Hinimok ni Sen. Risa Hontiveros ang Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin ang pasaporte ng puganteng si Pastor Apollo Quiboloy.
Sa gitna ito ng patuloy na kabiguan ng mga awtoridad na maaresto si Quiboloy o patuloy nitong pagtatago sa kabila ng mga warrant of arrest ng inilabas ng korte at Senado.
Binigyang-diin ng senadora na nakapanlulumo ang hindi pa rin pagharap ng pastor sa korte at maging sa Senado subalit panay naman ang kanyang audio recording.
Hindi aniya dapat ito palagpasin kaya naman maging hamon dapat ito sa pamahalaan na gawin ang lahat ng paraan para higpitan ang galaw ni Quiboloy.
Sa mga naunang panayam, sinabi ni DFA Spokesperson Teresita Daza na kapag nakansela ang pasaporte ito ay maituturing na “red flag” sa alinmang aplikasyon sa lahat ng DFA consular offices sa loob at sa labas ng bansa.