dzme1530.ph

60M doses ng COVID 19 vaccines, posibleng masayang ngayong taon

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa Covid-19 vaccine procurement ng pamahalaan, unang kinumpirma ni DOH Officer-in-Charge Usec. Maria Rosario Vergeire ang computation ni Blue Ribbon Committee Chairman Francis Tolentino na inaasahang aabot sa 50.74M doses ang vaccine wastage sa pag-eexpire ng iba pang nakastock na bakuna.

Base sa computation ni Tolentino, may 4.36M doses ng Pfizer adult na na-expired na nitong katapusan ng Pebrero, 3M doses naman sa Pfizer pedia na maeexpire ngayong Marso at Abril, 2.16M doses ng Sinovac na maeexpire sa Setyembre at Oktubre at dagdag pa na 13,040 doses na Sinovac na maeexpire sa katapusan ng Mayo.

Nilinaw naman ni Vergeire na sa September 2023 mag-eexpire ang karamihan sa mga bakunang nasa inventory ng DOH pero sa Mayo ng taong ito ay may 13,000 doses pang mag-eexpire.

Posible namang madagdag dito ang nasa 6.9M doses ng mga bakuna na naka-quarantine pa ngayon dahil hinihintay pa kung ma-eextend ang shelf life ng mga ito.

Tiniyak naman ni Vergeire na ginagawa ng DOH ang lahat para muling mapaigting ang COVID-19 vaccination, kabilang na ang booster vaccination.

About The Author