Nagbabala ang Commission on Elections (COMELEC) sa mga kakandidato na maging alerto laban sa kumakalat na mga sindikatong nangingikil ng pera kapalit ng “Easy Win” sa 2025 midterm elections.
Paliwanag ni COMELEC Chairman George Garcia, laganap ang ganitong panghuhuthot sa mga aspirant sa Luzon at Mindanao kung saan, may lalapit aniya at magsasabi na may kilala sila sa Technology Department ng ahensya at sasabihing ipapanalo sila kapalit ng P100 million.
Dahil dito, sinabi ng poll Chairman na makikipag-ugnayan sila sa National Bureau of Investigation (NBI) upang matugunan ang isyu.
Nangako rin si Garcia na tutulong sila sa legal proceedings laban sa mga sindikato, sakali man na mahuli ang isa sa mga miyembro nito.