Dapat magtulungan ang Philippine National Police Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (PNPSOSIA) at ang Department of Labor and Employment (DOLE) para sa kapakanan ng mga security guards.
Ito ang binigyang-diin ni Sen. Ronald Bato dela Rosa matapos talakayin sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang mga rason sa mga insidenteng kinasasangkutan ng mga security guards dahilan kaya may pagbabago sa kanilang ugali at umiiwas sa mga responsibilidad.
Lumitaw sa hearing na marami sa mga security guards ang nagtatrabaho ng 20-oras sa isang araw at walang rest day.
May mga security guards din na itinuturing na “fly-by-night” dahil ang kanilang mga sahod ay mas mababa pa sa minimum wage.
Ipinaalala ng senador sa PNP-SOSIA na alinsunod sa Republic Act 11917, may kapangyarihan ang PNP Chief na bawiin ang lisensya ng mga security agencies na mapapatunayang lumabag sa alinmang probisyon ng Labor Code.
Mandato naman ng DOLE na ipaalam sa SOSIA ang agency na sumusuway sa Labor Code para maaksyunan at matanggalan ng ‘license to operate’. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News