Nakatakdang mabigo ang panawagang pagkalas ng Mindanao sa Pilipinas dahil naka-angkla ito sa maling pananaw.
Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa harap ng umano’y nilulutong pag-bukod ng Mindanao sa bansa na ipinalutang ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanyang talumpati sa Constitution Day Celebration sa Makati City, iginiit ni Marcos na ang separate Mindanao ay naka-batay sa baluktot na representasyon sa Saligang Batas, at maituturing itong mabigat na paglabag sa Konstitusyon.
Hindi rin umano ito ang Bagong Pilipinas na kanyang hinuhubog, at bagkus ito ay pagwasak sa bansa.
Sinabi pa ni Marcos na tinanggihan na ito mismo ng liderato ng Bangsamoro Region at iba pang political leaders sa Mindanao, dahil sa kasalukuyan ay mayroon na umanong totoo at epektibong awtonomiya tulad ng sa BARMM.
Kaugnay dito, mariing umapila si Marcos sa mga nagsusulong ng “One Mindanao” na itigil na ang kanilang panawagan. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News