dzme1530.ph

5 Airport police sinampahan ng kasong robbery extortion ng PNP-AVSEGROUP

Sinampahan ng kasong robbery extortion ng PNP Aviation Security Group ang limang miyembro ng Airport Police Department (APD) matapos i-reklamo ng isang Chinese national na naghatid ng isang kaibigan pasahero sa NAIA Terminal 3.

Ayon kay LTC Alfredo Lim, ang hepe ng PNP AVSEGROUP sa Terminal 3, maghahatid lang sana ang biktima ng kanyang kaibigan na isa din Chinese national nang lapitan sila at sitahin ng limang airport police.

Hinanapan umano ito ng pasaporte pero dahil hindi naman siya ang babyahe at maghahatid lamang ng pasahero, ipinakita nito ang kopya ng kanyang passport mula sa kanyang cellphone.

Sa kabila nito, dinala parin ang biktima sa ika-4 na palapag ng Terminal 3 at doon ay gumamit umano ng translator app ang mga suspek para sabihan na makukulong ito kung hindi magbibigay ng P15,000 para siya’y palayain.

Sa takot umano ng biktima napilitan itong magbigay ng P15-K.

Hindi naman nagdalawang isip ang biktima na humingi ng saklolo sa pulisya at magreklamo.

Sinabi pa ni Lt. Col Lim, matapos makarating sa kanila ang reklamo ay pinuntahan ang tanggapan ng APD pero hindi na mahagilap ang mga isinasangkot kaya nauwi sa regular filing ang kanilang pagsasampa ng reklamo sa piskalya.

Sa ngayon anya, nagpapatuloy din ang kanilang pakikipag-ugnayan sa pamunuan ng Manila International Airport Authority at ng APD para makatulong sa imbestigasyon. —ulat mula kay Tony Gildo, DZME News

About The Author