dzme1530.ph

Sen. Angara, umaasang makakabuo ng consensus ang Kamara at Senado sa Cha-cha bago ang midterm elections

Umaasa si Senate Subcommittee on Constitutional Amendments Chairman Sonny Angara na bago pa ang 2025 midterm elections ay magkakaroon na ng consensus ang Senado at Kamara kaugnay sa isinusulong na pagbabago sa economic provisions ng Saligang Batas.

Sa gitna rin ito ng target ni Angara na maisabay ang plebesito sa pagbabago sa konstitusyon sa halalan.

Sinabi ni Angara na alinsunod sa konstitusyon, dapat maitakda ang plebesito sa loob ng 60 hanggang 90-araw matapos maaprubahan ng Kongreso ang resolusyon.

Ipinaliwanag ng senador na dapat magkasundo ang dalawang kapulungan sa timeline ng plebesito na maisabay sa 2025 elections upang makatipid ang gobyerno.

Bukod sa makatitipid sa gastos, iginiit ng mambabatas na sa pamamagitan ng pagsasabay ng plebesito sa eleksyon ay mapapaikli rin ang proseso.

Kahapon ay sinimulan na ng Senado ang pagtalakay sa Resolution of Both Houses no.6 na nagsusulong ng pagbabago sa tatlong economic provisions sa Saligang Batas. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author