dzme1530.ph

Libo-libong ektarya ng sakahan sa Luzon at Visayas, natutuyo na

Libo-libong ektarya ng sakahan sa Luzon at Visayas ang natutuyo at nagbibitak-bitak na dahil sa kakulangan ng patubig bunsod ng epekto ng El Niño.

Ayon sa National Irrigation Administration (NIA), patuloy na nababawasan ang lebel ng tubig sa Pantabangan Dam, dahilan upang mawalan ng suplay ng tubig ang 13,000 ektarya mula sa halos 150,000 ektarya ng sakahan sa Nueva Ecija, Bulacan, Pampanga at Tarlac.

Sa datos ng Office of Civil Defense (OCD), walong probinsya ang kasalukuyang nakararanas ng drought, na tumutukoy sa below-average rate ng tubig-ulan sa isang lugar sa loob ng limang magkakasunod na buwan.

Inaasahan din ng OCD na dadami pa ang mga lugar na makararanas ng dry spell, na tumutukoy naman sa kondisyon kapag nabawasan ng mahigit animnapung porsyento ang tubig-ulan sa loob ng dalawang magkakasunod na buwan. —sa panulat ni Airiam Sancho

About The Author