Umapila ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity sa mga Pilipino na itaboy ang anumang panawagan o hakbang na naglalayong lumikha ng gulo, partikular ang mungkahing pagkalas ng Mindanao sa bansa.
Ayon kay OPAPRU Sec. Carlito Galvez Jr., ang panawagang pagbukod ng Mindanao ay magiging sumpa sa diwa ng Philippine Constitution, na itong nagsisilbing gabay sa pagkakakilanlan ng mga Pilipino.
Labag din umano ito sa komprehensibong peace process na nagwakas sa ilang dekada nang armadong pakikibaka sa rehiyon.
Kaugnay dito, hinikayat ni Galvez ang publiko na patuloy na suportahan ang mithiin ng administrasyong Marcos sa kapayapaan, pagbabalik-loob ng mga rebelde, at pagkakaisa.
Iginiit ng Presidential Adviser na ang pagkakawatak-watak ng mga Pilipino ay magbubunga ng gulo, underdevelopment, at kawalan ng kaayusan, kaya’t dapat na umano tayong matuto sa mga leksyon ng nakaraan tungo sa pag-unlad. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News