Itinanggi ng Pilipinas ang pahayag ng China na mayroon itong “temporary special arrangement” para payagang makapag-deliver ang bansa ng supplies sa mga sundalong naka-destino sa nakasadsad na BRP Sierra Madre sa West Philippine Sea.
Tinawag ni National Security Council Spokesperson Jonathan Malaya na kathang isip at bunga lang ng imahinasyon ang pinagsasabi ng Chinese Coast Guard.
Hindi kinumpirma pero hindi rin itinanggi ni Malaya ang pahayag ng CCG na nag air-dop ang Pilipinas ng supplies sa navy vessel noong Jan. 21, pero binigyang diin nito na karapatan ng bansa na hatiran ng supply ang mga sundalo.
Hindi rin aniya kailangan ang permiso ng sinuman, kabilang na ang CCG, sa pagdi-deliver ng supplies, sa pamamagitan man ng barko o idaan ito sa himpapawid. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera