“Tapos na ang panahon ng pagkukuyakoy sa loob ng mga tanggapan ng gobyerno”.
Ito ang mensahe ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga kawani ng pamahalaan, sa Bagong Pilipinas kick-off rally sa Quirino Grandstand sa Maynila.
Sa kanyang talumpati, nagbigay ng mahigpit na tagubilin ang Pangulo sa mga empleyado ng gobyerno, una ay bawal ang tamad at makupad, at wala umanong puwang ang mga mabagal at sagabal sa serbisyo publiko.
Pinayuhan din silang palitan ng ngiti ang kanilang pagsusungit, kasabay ng pagpapabilis sa pag-proseso ng mga serbisyo at requirements.
Pangalawa, bawal ang mga hindi tapat at nangungulimbat, at bawal ang waldas dahil ang paggugugol ng pondo ng bayan ay hindi umano dapat ikinu-kubli, at hindi ito dapat kinukupit at isinusubi.
Pangatlo, bawal ang mapang-api at naghahari-harian dahil sila umano ay hindi mga amo kundi tapagsilbi sa publiko.
Iginiit ng Pangulo na sa ilalim ng Bagong Pilipinas, ang masama ay dapat i-reklamo, at ang mabuti ay dapat i-rekomenda.
Sinabi pa nito na ang pagbabago ay nagsisimula sa pamahalaan, at sa halip na pahirapan ang taumbayan ay dapat suklian ang kanilang tiwala ng magalang na panunungkulan. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News