dzme1530.ph

Speaker Romualdez, idiniin pa sa pangunguna sa People’s Initiative

Hindi na dapat magkaila si House Speaker Martin Romualdez sa pangunguna sa pangangalap ng lagda para sa People’s Initiative na nagsusulong ng Charter change.

Ito ang binigyang-diin ni Sen. Francis Chiz Escudero kasabay ng kumpirmasyon na mayroon siyang video footage kung saan inaanunsyo ni Romualdez ang pagsusulong ng PI para sa chacha.

Sa video na kinuha noong December 11, 2023 sa Philippine Economic Briefing sa Iloilo, makikita umano ang pag-anunsyo ni Romualdez na ang inirerekomendang paraan sa pagpapalit ng 37-taong Constitution ay ang PI.

Sinabi ni Escudero na malinaw na ito ay politiko’s at hindi people’s initiative kaya’t hindi na dapat anya magkaila pa si Romualdez.

Subalit ipinaalala ng senador na batay na rin sa kasaysayan, hindi nagtatagumpay ang anumang bagay na sinimulan sa kasinungalingan.

Nitong Enero 23, naglabas ang Senado ng manifesto na nilagdaan ng lahat ng 24 senador laban sa isinusulong na PI ng Kamara.

Tinukoy din sa manifesto ang pangangalap ng mga pirma gamit ang pondo ng gobyerno. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author