Umarangkada na ang pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights kaugnay sa pinakahuling insidente ng hazing na ikinasawi ni John Matthew Salilig.
Sa pagsisimula ng pagdinig, binigyang-diin ni Committee Chairman Francis Tolentino na hindi nila intensyon na magsagawa ng parallel investigation na isinasagawa ng mga PNP, NBI at DOJ.
Layon anya nito na makita kung saan nagkaproblema sa Anti Hazing Law at nagkaroon pa rin ng bagong biktima ng hazing.
Sinabi naman ni Senador Raffy Tulfo na sa kanyang nakikita, dapat pabigatin pa ang Anti Hazing Law kabilang na ang paglalagay ng probisyon na dapat kasuhan din at patawan ng reclusion perpetua ang may-ari ng venue na pinagsasagawaan ng initiation rites.
Kasama rin sa nais ni Tulfo na kasuhan ang lahat ng opisyal ng fraternity kasama man o hindi sa initiation rites.
Iginiit ni Tulfo na hindi maisasagawa ang hazing kung wala namang permiso ang mga opisyal.