dzme1530.ph

3 buwan na extension ng PUV consolidation, hindi sapat, ayon sa Makabayan Bloc

Hindi sapat ang tatlong buwan na extension ng deadline ng public utility vehicle (PUV) consolidation para sa modernization program ng pamahalaan.

Sa magkahiwalay na pahayag, nanawagan si Gabriela partylist Rep. Arlene Brosas at Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel ng “total removal” ng required consolidation ng prangkisa sa ilalim ng kooperatiba, lalo na nang isiwalat sa pagdinig ng House Committee on Transportation ang maraming alalahanin mula sa transport sector.

Kasama rito ang mga isyu sa implementasyon, korupsyon at kakulangan ng transparency.

Iginiit ni Brosas na “highly illogical” para sa Administrasyong marcos ang pagpapalawig sa deadline, gayong isa lamang ang ipinupunto ng mga issue, at ito aniya ay ang pagbasura sa mandatory consolidation at anti-poor modernization program para maprotektahan ang kabuhayan ng mga jeepney driver.

Binigyang-diin din ni Manuel na dapat ikonsidera ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kailangan din ng kabuhayan ng mga tsuper pagkatapos ng pinalawig na deadline ng programa.

Kahapon, kinumpirma ng Presidential Communications Office(PCO) na pinalawig ni Marcos ang consolidation deadline sa Abril 30 nang taong ito. —sa panulat ni Airiam Sancho

About The Author