dzme1530.ph

Senado, balak maghain ng reklamo upang pigilan ang Comelec sa beripikasyon ng mga pirma sa People’s Initiative

Isinasapinal na ng mga senador ang kasong posibleng isampa laban sa Commission on Elections kaugnay pagtanggap nila ng mga nakalap na mga lagda para sa People’s Initiative kaugnay pagbabago ng konstitusyon.

Ayon kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, tatalakayin nila ang mga posible nilang ligal na hakbang bilang pagkontra sa PI.

Maaari anya silang maghain mismo ng reklamo sa Comelec upang pigilan na ang poll body sa beripikasyon ng mga lagdang nakalap sa People’s Initiative lalo na ang mga nakuha sa pamamagitan ng panunuhol.

Isa rin anya sa posibleng gawin ay idretso na nila sa Korte Suprema ang petisyon upang atasan ang Comelec na itigil ang kanilang hakbang.

Sa sesyon kagabi, inilatag ni Pimentel ang mga posibleng batayan ng kanilang reklamo na kinatigan naman mismo ni Senate President Juan Miguel Zubiri.

Sinabi ni Zubiri na isasaayos na nila ang kanilang reklamo sa tulong na rin ni Pimentel. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author