Nagpaliwanag si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. kaugnay ng panunuod ng concert ng British rock band na Coldplay sa Philippine Arena noong nagdaang weekend.
Sa ambush interview sa Quezon City, inihayag ng Pangulo na matagal na siyang isang music lover, at ilang taon na niyang pinag-aaralan ang musika.
Iginiit din nito na hindi pwedeng palagpasin ang concert ng Coldplay na inilarawan niyang “spectacular” o kamangha-mangha, at ngayon lamang umano siya nakakita ng ganito kagandang pagtatanghal.
Sinabi pa ni Marcos na kahit ang ibang concertgoers ang tanungin, sasabihin din nila na ibang klase ang nasaksihan nilang concert.
Matatandaang inulan ng batikos ang Pangulo dahil sa panunuod ng concert, partikular ang paggamit nito ng chopper upang iwasan ang matinding traffic sa Philippine Arena. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News