dzme1530.ph

Pagtatangkang alisin ang Senado sa proseso sa Chacha, maituturing na pagbalewala sa boses ng publiko

Ibinabala ni Senador Lito Lapid na ang anumang pagtatangka na iitsapwera ang Senado sa proseso ng charter change ay magbabalewala sa tinig ng sambayanang Pilipino.

Ipinaalala ni Lapid na ang mga senador ay halal ng bayan para gampanan ang mga tungkulin sa pagbalangkas ng mga batas.

Binigyang-diin ng senador na ang pag-amyenda sa Konstitusyon ay hindi isang simpleng bagay at dapat isaalang-alang kung sadyang kailangan ba ito, ano ang mga dapat baguhin at kung paano ito isasakatuparan.

Sa bawat hakbang anya ay dapat na ilatag ang pananaw ng marami sa ating mga kababayan at pinakamahalagang aspeto ay tukuyin sino ang makikkinabang.

Tiniyak naman ng mambabatas na handa ang Senado sa hamon na pag-usapan ang mga panukalang pagbabago sa Konstitusyon at tiwala sila sa pangunguna ni Senate President Juan Miguel Zubiri na magiging makabuluhan ang pag-aaral ng Konstitusyon upang ang interes ng bayan ang mananaig. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author