dzme1530.ph

Immigration lawyers na iniuugnay sa pag-iisyu ng VISAs sa mga pekeng kumpanya, sinibak sa puwesto

Apat na Immigration Lawyers na umano’y sangkot sa pag-iisyu ng pre-arranged employment (9G) VISAs sa mga pekeng korporasyon ang sinibak sa puwesto, ayon sa Bureau of Immigration.

Ang 9G VISA ay required para sa foreign nationals na magta-trabaho sa bansa.

Sinabi ni Immigration Spokesperson Dana Sandoval na tinanggal sa puwesto ang B.I. Lawyers habang isinasailalim ang mga ito sa imbestigasyon.

Ginawa ni Sandoval ang pahayag matapos ibunyag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na tinulungan ng B.I. Legal Department ang mga pekeng korporasyon na makakuha ng mga VISA.

Noong Miyerkules ay inihayag ng B.I. na inirekomenda nila ang paglalabas ng Show-cause orders laban sa mga abogado at ang pagbuwag sa VISA Task Force ng Legal Division. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera

About The Author