Tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi ito magiging “ningas cogon” sa sinimulang pagbuhay at pagpapasigla sa Pasig River.
Sa kanyang talumpati sa inagurasyon ng Promenade Park sa likod ng Manila Central Post Office sa Maynila, inihayag ng Pangulo na hindi magiging “Flavor of the Month” lamang ang “Pasig Bigyan Buhay Muli” project.
Sinabi ni Marcos na tututukan ang paglilinis at pagpapaganda sa Pasig River katuwang ang lead proponent ng proyekto na si First Lady Liza-Araneta Marcos, at ang pribadong sektor.
Siniguro rin nito na ang proyekto ay se-sentro sa kapakanan ng publiko at sa development ng komunidad.
Kaugnay dito, inatasan ang MMDA, DILG, DHSUD, at mga lokal na pamahalaan sa paligid ng Ilog Pasig na mag-sumite ng quarterly at yearly report kaugnay ng proyekto.
Ibinahagi rin ni Marcos ang planong pagdaragdag ng ferry boats at ferry stations sa tinagurian niyang “first nautical expressway” at “maritime highway” ng bansa. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News