Inanunsyo ng Land Transportation Office (LTO) na palalawakin at magbubukas sila ng bagong impounding facilities sa harap ng pinaigting na panghuhuli sa mga colorum na sasakyan.
Kabilang na rito ang mga pribadong sasakyan, pati na unconsolidated jeepneys na ituturing nang colorum pagsapit ng Feb. 1.
Nilinaw naman ni LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II na ang kanilang hakbang ay hindi lamang para targetin ang unconsolidated jeepneys, kundi para lahat ng hindi rehistradong pampubliko at pribadong sasakyan sa bansa.
Sinabi ni Mendoza na plano nilang magbukas ng bagong impounding areas sa mga lalawigan, gaya sa Carmona, Cavite; Lipa, Batangas; at San Pedro, Laguna para ma-accommodate ang mas maraming sasakyan. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera