Niliwanag ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na hindi maaaring gamiting panuhol ang Tulong Panghanapbuhay sa ating Displaced/Disadvantaged Workers (TUPAD) program upang palagdain ang mga mamamayan sa isinusulong na People’s Initiative.
Ang paglilinaw ni Laguesma ay sa harap ng alegasyon ng Emergency Employment Program ng DOLE ay ginagamit ng mga nagsusulong ng People’s Initiative upang mapapirma ang mga mamamayan sa P.I.
Ayon sa Kalihim, hindi maaaring ipangako ang TUPAD program lalo na at may prosesong sinusunod, gaya ng profiling kung kuwalipikado ang isang aplikante at dapat masunod ang mga rekisito sa documentation na itinatakda ng Commission on Audit.
Paliwanag pa ng Labor Chief na TUPAD program ay cash-for-work, hindi dole out kundi ito ay pinagtratrabahuhan at may minimum at maximum period na ang suweldo ay alinsunod sa kasalukuyang at minimum wage sa anumang rehiyon na mayroong programa ang DOLE.
Nakakalungkot aniya dahil ang TUPAD ay magandang programa na ang layunin ay makatulong sa tinatawag na sektor ng disadvantaged at displaced workers.
Giit ni Secretary Laguesma, hindi pahihintulutan ng DOLE na maging kasangkapan ang Kagawaran sa mga gawaing hindi angkop sa batas. —ulat mula kay Felix Laban, DZME News