Dapat matukoy kung sino ang nasa likod ng pagsisingit ng P14 bilyong pondo sa Commission on Elections para sa isinusulong na charter change.
Ito ang iginiit ni Senador Imee Marcos sa gitna ng pagtataka kung paano naipasok sa General Appropriations Act ang sinasabing pondo.
Ipinaliwanag ng senador na maging siya na Senate Committee on Finance Vice Chairman na in-charge sa pondo ng poll body ay walang alam sa naturang alokasyon.
Iginiit ng mambabatas na kung sinuman ang nagsingit ng alokasyon na ito ay dapat patawan ng parusa at sa lalong madaling panahon ay agad na ibalik sa tamang pagkakagastusan ang naturang pondo.
Una nang isiniwalat ni Albay Rep. Edcel Lagman na inaprubahan sa bicameral conference committee ang paglalaan ng P14 billion sa Comelec sa ilalim ng 2024 national budget para sa pagsasagawa at superbisyon ng eleksyon, referendum, recall votes at plebesito.
Gayunman, itinanggi ito ni Comelec Chairman George Garcia at iginiit na ang alokasyon ay para sa paghahanda sa 2025 national and local elections. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News