Naniniwala ang isang opisyal ng National Security Council (NSC) na nasa mas magandang posisyon ang pamahalaan para mag-demand sa sandaling pormal na simulan ang usapang pangkapayapaan sa mga rebeldeng komunista at mga kaalyado nito.
Sinabi ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya na mayroong lakas ang gobyerno na gawin ito, sa gitna ng humihinang estado ng New People’s Army (NPA) bunsod ng pinaigting na military operations at lumiliit na mass base support.
Ibinida ni Malaya na inaani na ngayon ng pamahalaan ang bunga ng tagumpay laban sa mga komunista, batay sa mga post sa Facebook ng kanyang mga kaibigan na nagpupunta sa mga lugar na dating sakop ng NPA.
Sa kabila nito, ipinaliwanag ni Malaya, na ang pinakamabilis pa ring hakbang upang makamit ang kapayapaan ay ipagpatuloy ang naputol na peace talks.
Nobyembre ng nakaraang taon nang magkasundo ang gobyerno at National Democratic Front na political wing ng Communist Party of the Philippines, para sa isang mapayapang resolusyon na tatapos sa armadong pakikibaka. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera