Kumpiyansa si Sen. Win Gatchalian na makakaakit ng mas maraming renewable energy investments at nakaayon ito sa layunin ng gobyerno na magkaroon ng mas malinis na enerhiya ang komprehensibong pagpapatupad ng Energy Virtual One-Stop Shop (EVOSS) system.
Sa ngayon, ayon sa senador, hindi pa ganap na naipapatupad ang batas dahil batay sa datos ng Department of Energy (DOE) noong November 2023 ay nasa 85% pa lang ang completion rate mula nang isabatas ito noong 2019.
Kaya naman muling nanawagan ang senador sa DOE na ilunsad na ang EVOSS system na inaasahang magpapadali sa mga prospective investor na bumuo ng R.E. projects sa bansa.
Binigyang-diin din ni Gatchalian na dapat pag-ibayuhin ang paggamit ng pondo para sa EVOSS system.
Iginiit ng senador na dapat maging agresibo ang DOE sa pagpapatupad ng EVOSS dahil layon ng batas na alisin ang anumang balakid sa renewable energy investments.
Sa pamamagitan ng EVOSS system, maaalis ang red tape sa sektor ng enerhiya habang itinataguyod ang kaaya-ayang investment environment para sa sektor.