Aminado si Sen. Christopher Bong Go na nakababahala ang impormasyon na may nagaganap na suhulan sa pangangalap ng lagda para sa isinusulong na charter change.
Sinabi ni Go na noon pa man ang kanyang pananaw sa chacha ay dapat tiyaking ang taumbayan lalo na ang mahihirap ang makikinabang at walang interes ng sinumang pulitiko ang mananaig.
Iginiit ni Go na sa anumang pamamaraan ng pagbabago ng konstitusyon, dapat manaig ang nais ng taumbayan at hindi ng mga pulitikong nagsusulong nito.
Nanindigan ang senador na dapat masiyasat ang sinasabing bayaran kapalit ng lagda sa People’s Initiative at agad na itong matigil.
Hindi anya naaayon sa konstitusyon kung magiging sapilitan lamang ang pagsang-ayon ng mamamayan sa pagbabagong isinusulong. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News