Tuluyan nang nakabangon ang Pilipinas mula sa epekto ng COVID-19 pandemic, at gayundin sa epekto ng Russia-Ukraine War at tensyon sa Middle East.
Ito ang ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagharap sa mga miyembro ng diplomatic corps sa taunang “Vin D’ Honneur” sa Malakanyang.
Ayon sa Pangulo, back in business na ang bansa sa harap ng gumagandang lagay ng ekonomiya, at catch-up spending o pagpapabilis sa paggamit ng pondo ng gobyerno.
Patuloy din umano ang pag-kontrol sa inflation na naitala lamang sa 3.9% noong Disyembre 2023, habang bumaba rin sa 3.6% ang unemployment rate noong Nobyembre.
Sinabi ni Marcos na ang Pilipinas ay nakikitang mapapabilang sa fastest-growing economies sa Asya, batay sa forecast ng Asian Development Bank, ASEAN + 3 Macroeconomic Research Office, World Bank, at International Monetary Fund. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News