dzme1530.ph

Human error sa power outage sa Panay Island, pinasisilip

Hinikayat ni Sen. Sherwin Gatchalian ang Energy Regulatory Commission (ERC) na isama sa imbestigasyon nila ang posibilidad ng ‘human error’ sa power outage sa Panay Island.

Ipinaliwanag ni Gatchalian na hindi nasunod ng National Grid Corporation of the Philippines ang protocols ng grid code na nagsasaad na kapag may pumalyang isang power plant ay otomatikong nasa emergency state na ito at dapat ay nagpatupad na ng manual load dropping o bawasan ang demand.

Subalit sa kabila anya ng pagpalya ng isang planta ay nanindigan ang NGCP na nasa normal na estado pa ang sistema kaya’t hindi dapat magpatupad ng manual load dropping.

Sinabi ni Gatchalian na dapat tukuyin ng ERC sa malalim pang imbestigasyon kung sino sa management kabilang ang mga tauhan ng NGCP ang nagdesisyon na panatilihin lang ang dispatch sa kanilang systems operation sa kabila ng shutdown ng isang unit ng Panay Electric Development Corporation.

Idinagdag ng mambabatas na ang human error ay ‘unpredictable’ kung saan maaaring isipin na may sapat na pagsasanay at kaalaman ang mga tauhan ngunit sa ganitong insidente kung saan hindi nasunod ang protocols ay kailangang alamin kung saan talaga nagkulang. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author