Isang Pro-Charter change (Chacha) group na People’s Initiative for Modernization and Reform Action (PIRMA) ang nagsimulang magsahimpapawid ng patalastas sa telebisyon na kumukwestiyon sa 1987 Constitution at nananawagan ng pagbabago sa mga probisyon nito.
Ang naturang grupo ay kaparehong organisasyon na nanawagan ng Chacha sa panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos noong dekada ‘90.
Sa isang linya ng patalastas na patungkol sa 1986 EDSA Revolution, “Ang pinayaman ng konstitusyon, mamakyaw at negosyante. ang magsasaka, EDSA-pwera. Panahon na para ayusin, itama ang hindi patas na 1987 Constitution.”
Ayon sa Legal Counsel ng PIRMA na si Atty. Jomari Basil, layunin ng kanilang hakbang na mahikayat ang taumbayan na magkaroon ng pakialam, at maipalaganap ang impormasyon sa isinusulong nilang pagbabago sa konstitusyon. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera