dzme1530.ph

Pilipinas at Indonesia, lumagda sa MOU para sa kooperasyon sa enerhiya!

Lumagda ang Pilipinas at Indonesia sa Memorandum of Understanding para sa kooperasyon sa enerhiya.

Matapos ang bilateral meeting sa Malakanyang nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Indonesian President Joko Widodo, iprinisenta ang MOU na sinelyuhan ng Dep’t of Energy, at Indonesian Ministry of Energy and Natural Resources.

Sa ilalim nito, itataguyod ang kooperasyon sa business sectors lalo na sa panahong nasa kritikal na sitwasyon ang energy commodities tulad ng coal at liquefied natural gas.

Isusulong din nito ang kolaborasyon sa energy transition, renewable energy, demand-side management, electric vehicles, at alternative fuels tulad ng hydrogen, ammonia, at biofuels.

Ayon kay Energy sec. Raphael Lotilla, ang kasunduan ng Pilipinas at Indonesia ay magiging malaking tulong sa pagpapalakas ng energy security ng bansa.

Samantala, sinabi ni Pangulong Marcos na malapit na ring ma-selyuhan ang isa pang MOU sa larangan ng siyensiya at teknolohiya. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author