Libo-libong deboto ng Itim na Nazareno ang dumagsa sa Quirino Grandstand, kagabi, sa bisperas ng Traslacion.
Dito isinagawa ang tradisyunal na “Pahalik” na tinatawag ngayong “Papugay” – kung saan pinapayagan ang mga deboto na hawakan at punasan ng panyo o bimpo ang imahen, subalit ipinagbabawal pa rin ang paghalik sa poon.
Sa pagtaya ng Manila Police District, hanggang ala-6 kagabi, nasa 3,000 deboto ang dumating sa Quirino Grandstand.
Bunsod nito, umabot na sa 53,810 ang kabuuang bilang ng mga nagtungo para sa “papugay” na nagsimula noong Sabado ng ala-7 ng gabi. —sa panulat ni Lea Soriano