Bukas ang gobyerno na magsulong ng panibagong pagtatapyas sa taripa sa mga inaangkat na produkto, upang mapababa pa ang presyo ng mga bilihin.
Ito ay matapos maitala noong Disyembre ang 3.9% inflation rate, na pinaka-mababa sa buong 2023.
Ayon sa National Economic and Development Authority, handa ang Interagency Committee on Inflation and Market Outlook na mag-mungkahi ng karagdagang temporary tariff adjustments kung kina-kailangan, sa harap ng pagsipa ng international price ng bigas, at inaasahang epekto ng Strong El Niño.
Pinuri naman ni NEDA Sec. Arsenio Balisacan ang Executive Order no. 50 na nagpalawig ng mas mababang taripa sa imported na bigas, mais, at karneng baboy.
Tiniyak din ng NEDA na patuloy na babantayan ang paggalaw ng mga presyo kaakibat ng mga aksyon upang ma-protektahan ang purchasing power ng mga Pilipino. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News