dzme1530.ph

Publiko, muling hinikayat na iwasan na ang paggamit ng single-use plastics ngayong zero waste month

Sa pakikiisa sa Zero Waste month, muling nanawagan si Senate President Pro Tempore Loren Legarda sa publiko na iwasan na ang paggamit ng single-use plastics at mas maging maingat sa pagtatapon ng basura.

Iginiit ng senador na dapat maging sustainable living ang pamumuhay ng bawat isa at iwasan ang mga plastic dahil ito ay ginagamitan ng fossil fuels, na nakaaambag sa mas maraming greenhouse gas emissions sa mundo.

Alinsunod sa Proclamation No. 760, idineklara ang buwan ng Enero bilang Zero Waste Month at lahat ng local government units at mga sangay ng pamahalaan ay hinihikayat na sumuporta at makilahok sa mga gawaing para sa kalikasan.

Ipinaliwanag ni Legarda na hindi lahat ng plastic ay na-re recycle at napupunta lang ito sa mga landfill o karagatan na siyang naglalagay naman sa alanganin sa balanse ng ating ecosystem.

Sa gitna nito, ipinaalala ni Legarda ang pagpapatupad ng Ecological Solid Waste Management Act (RA 9003) o ang batas na nagpapataw ng mga parusa sa pagkakalat sa mga pampublikong lugar, pag-aangkat ng consumer products na gumagamit ng non-environmentally friendly materials, at marami pang mga gawaing hindi nakabubuti sa kalikasan. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author