Hindi na katanggap-tanggap para kay Senate President Juan Miguel Zubiri ang patuloy na power outages na nararanasan sa ilang lalawigan sa Western Visayas, partikular sa Iloilo.
Kinalampag ng dismayadong senate leader ang Department of Energy at National Grid Corporation of the Philippines upang agad na resolbahin ang problema bago pa magdulot ng malawakang pinsala sa mga komunidad.
Sinabi ni Zubiri na hindi ito magandang senyales sa pagpasok ng taon dahil hindi anya dapat abala at kahirapan ang hatid ng pamahalaan sa mamamayan sa pagpasok ng 2024.
Matindi anya ang pinsala sa negosyo, mga residente at maging sa pagbibigay ng pangunahing serbisyo sa mamamayan ang power outage.
Tinukoy ng senador ang mga serbisyo sa mga pagamutan partikular anya ang mga nangangailangan ng incubator, life-support at maging ang mga sasalang sa dialysis na matatapat sa power outage.
Dapat anyang maunawaan ng DOE at NGCP ang lala ng pinsala upang agad silang kumilos para maresolba ang sitwasyon. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News