Binatikos ng National Security Council (NSC) ang Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) hinggil sa panawagan sa mga miyembro nito na maglunsad ng bago at malawakang pag-atake laban sa gobyerno sa kabila ng exploratory talks sa posibleng peace negotiation.
Sinabi ni NSC Assistant Dir. Gen. Jonathan Malaya na dapat hikayatin ng CPP NPA-NDF ang mga komunistang rebelde na ihinto na ang pakikipaglaban, bilang pagsuporta sa joint communique na inilabas noong November 23 sa Oslo, Norway.
Aniya, dismayado ang NSC at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa pahayag na ito ng CPP, na tinawag na “National Democratic Revolution.”
Binigyang-diin ni Malaya na patuloy na naka-suporta ang NSC sa gobyerno ukol sa exploratory talks sa pagitan ng NDF, na isa aniyang malaking hakbang sa dalawang panig na sumang-ayon sa pagsulong ng kapayapaan at tapusin na ang armadong pakikibaka. —sa panulat ni Airiam Sancho