dzme1530.ph

COVID-19 pandemic, idinahilan sa naudlot na pagpapahinto ng Senior High School sa public Higher Education Institutions noong 2021

Idinahilan ng Commission on Higher Education ang COVID-19 pandemic sa naudlot na pagpapahinto ng Senior High School Programs sa State Universities and Colleges at Local Universities and Colleges noong 2021.

Ayon kay CHED Chairman Prospero de Vera III, natapos na noong 2021 ang transition period sa K-12 program, kung saan pansamantalang ipinagamit ng SUCs ang kanilang classrooms at teachers para sa senior high students, bunga na rin ng kakulangan ng mga silid-aralan sa basic education institutions.

Gayunman, dahil umano sa pandemya ay mas tinutukan muna ang pag-transition sa new normal.

Iginiit naman ni de Vera na kailangan nang tapusin ngayon ang transition period sa K-12 dahil puno na ang SUCs.

Nilinaw din nito na ang public universities ay nilikha sa ilalim ng batas upang magsilbing Higher Education Institutions at hindi High School, kaya’t dapat ay tanging degree programs ang kanilang inia-alok. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author