Isasailalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagkukumpuni ang mga kalsadang daraanan ng Traslacion ng Itim na poong Nazareno upang matiyak ang kaligtasan sa pagbabalik ng itinuturing na pinakamalaking religious event sa bansa.
Isasagawa ang maintenance sa mga kalsada, alinsunod sa direktiba ni DPWH Secretary Manuel Bonoan, kasunod ng joint inspection, kasama ang Feast of the Black Nazarene Committee.
Sinabi ni DPWH National Capital Region (NCR) Director Loreta Malaluan na tatapalan ang lubak o hukay sa mga kalsada, tatabasin ang mga sanga ng puno, at aalisin ang iba pang mga nakasasagabal sa langsangan, para sa maayos at tuloy-tuloy na pagdaan ng traslacion.
Idinagdag ni malaluan na maglalagay din sila ng temporary railings sa Arlegui Bridge para sa mga deboto ng pinaniniwalaang mapaghimalang poon na magdaraos ng kapistahan sa Jan. 9. —sa panulat ni Lea Soriano