Posibleng makaranas ng drought ang 17 lalawigan sa Luzon sa pagtatapos ng Enero dahil sa epekto ng El Niño phenomenon.
Ayon kay PAGASA officer-in-charge Nathaniel Servando, kabilang sa ma-aapektuhang probinsya ang Benguet, Ifugao, Kalinga, Apayao, Mountain Province, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan.
Kasama rin ang Cagayan, Nueva Ecija, Nueva Viscaya, Pampanga, Tarlac, Batangas, Cavite, Oriental Mindoro at Palawan.
Makararanas naman dry condition ang Spratly Island, habang dry spell sa Abra, Ilocos Norte, Isabela, Quirino, Bataan, Bulacan, Zambales, Aurora, Occidental Mindoro at Metro Manila.
Ang drought ay tumutukoy sa kondisyon kapag umabot sa mahigit 60% ang kabawasan sa tubig-ulan sa loob ng limang magkakasunod na buwan.
Ang dry spell naman ay tumutukoy sa kondisyon kapag nabawasan ng mahigit 60% ang tubig-ulan sa loob ng dalawang magkakasunod na buwan. —sa panulat ni Airiam Sancho