Hindi pa maituturing na hinog ang PUV Modernization Program dahil mismong ang gobyerno ay hindi pa handa sa sistema nito.
Ito ang binigyang-diin ni Senate Minority Leader Koko Pimentel kasabay ng panawagan sa pamahalaan na suspendihin muna ang implementasyon ng programa hangga’t hindi napaplantsa ang lahat ng kinakailangang gawin.
Tinukoy ni Pimentel na maliit pa rin na porsyento ng mga jeepney drivers at operators ang tumugon sa consolidation ng prangkisa bukod pa sa hindi pa rin naisasaayos route rationalization plan ng mga local government units.
Kinatigan din ng senador ang pahayag ng Ibon Foundation na posibleng tumaas ang pamasahe sa jeepney sa sandaling ipatupad na nang isandaang porsyento ang programa dahil kinakailangang bawiin ng mga operator ang kanilang pambayad sa sasakyan.
Hindi pa anya kasama dito ang pagkunsidera sa posibleng paggalaw ng presyo ng produktong petrolyo sa merkado.
Sa huli, iginiit ni Pimentel na dahil may mga nakahain ng petisyon sa Korte Suprema laban sa programa ay mabuting hintayin na rin ang desisyon ng mga mahistrado hinggil dito. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News