dzme1530.ph

Mas mataas na singil, kontribusyon, at presyo ng mga bilihin, inaasahan ngayong 2024

Mas mataas na bills, presyo, at singil sa mga kontribusyon ang naghihintay sa mga Pilipino sa pagpasok ng bagong taon.

Kabilang na rito ang dagdag-singil sa tubig ng Manila Water at Maynilad matapos aprubahan noong Disyembre ng Metropolitan Waterwoks and Sewerage System (MWSS) ang adjustments na P6.41 hanggang P.7.87 per cubic meter na sisimulang ipatupad ngayong Enero.

Sumalubong naman kahapon, sa pagpasok ng bagong taon, ang P3.40 na taas-presyo sa kada kilo ng liquefied petroleum gas (LPG).

Nakatakda rin ang pagtaas ng pasahe sa MRT-3, kung saan magiging P16.00 mula sa kasalukuyang P13.00 ang minumum fare, habang ang end-to-end trip mula North Avenue Station hanggang Taft Avenue Station ay magiging P34.00 mula sa P28.00.

Ipatutupad din ang increase na naka-base sa Universal Health Care Law, kung saan itataas ng kontribusyon sa PhilHealth hanggang sa maabot ang 5% ngayong taon.

Itutuloy na rin simula ngayong Enero ang naantalang premium hike ng Pag-ibig Fund kung saan magiging P200.00 ang maximum contribution ng miyembro habang P200.00 din sa employer.

Inaasahan din ang pagtaas ng presyo ng ilang bilihin kasunod ng petisyon ng mga manufacturer sa Department of Trade and Industry. —sa panulat ni Lea Soriano

About The Author