Mariing kinundena ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagbebenta ng pekeng Complimentary ticket ng Metro Manila Film Festival.
Kaugnay nito nagbabala si MMDA acting chairman Romando Artes sa mga sangkot sa naturang aktibidad na kanilang kakasuhan ang mahuhuli na gumagawa ng kahalintulad ng tatlong suspek na nahuli ng mga operatiba ng Quezon City Police na nagbebenta ng complimentary ticket ng MMFF.
Nabatid na ang tatlong suspek ay nahuli sa isang entrapment operation sa pakikipagtulungan ng Quezon City Police District kung saan isang poseur buyer ang nagpanggap na bibili ng ticket sa halagang P1,300 hanggang P1,500 bawat isa.
Ayon sa MMDA may kabuuang 46 na tiket ang iligal na naibenta sa halagang P1,300 hanggang P1,500 bawat isa sa pamamagitan ng online selling.
Hinimok ng ahensiya ang publiko na huwag tangkilikin ang ibinibentang pekeng MMFF ticket sa halip ireport ito sa mga otoridad.
Ang sinumang mahuling nagbebenta o bibili ng mga Complimentary tiket ay kanilang papatawan ng parusa alinsunod sa batas.
Ang tatlong suspek na naaresto ay sasampahan ng kasong Estafa sa pamamagitan ng Falsification of Public Documents kaugnay ng R.A 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012. —ulat mula kay Tony Gildo, DZME News