dzme1530.ph

Posisyon ng Vatican sa pagbibigay blessing sa same-sex couple, nirerespeto ng ilang Senador

Iginagalang ng ilang Senador ang desisyon ni Pope Francis na payagan ang mga katolikong pari na basbasan ang same sex couple subalit hindi ito magiging bahagi ng regular na ritual o liturgy sa simbahan.

Sinabi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva, bilang non-Catholic ay patuloy nilang igagalang ang desisyon ng Santo Papa.

Subalit bilang kristiyano at tagasunod ni Kristo, ang salita anya ng Diyos ang ituturing niyang mas nakahihigit kumpara sa salita ng tao.

Ipinaliwanag ng senador na nakasaad sa bibliya na ang nilikha ng Diyos ay babae at lalaki at sila ang puedeng pag isahin bilang mag asawa.

Sinabi naman ni Senator Chiz Escudero na iginagalang niya ang pasya ng Vatican dahil sinasabi nga na ang Santo Papa ay infallible o’ hindi nagkakamali.

Maging si Senator JV Ejercito ay inirerespeto ang pasya ng Santo Papa.

Isa lang anya itong pagkilala sa desisyon ng same sex na magsama at hindi naman ito pagbabasbas sa full marriage o ganap na pagkakasal sa same-sex couple.

Kailangan anyang pag isipan mabuti ang usapin ukol sa pagkakasal sa same sex couple at resolbahin ang kanilang property rights issue. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author