Sinuportahan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang panawagan ng Dept. of the Interior and Local Govt. sa mga lokal na pamahalaan na magdaos na lamang ng community fireworks display.
Paliwanag ni MMDA acting Chairman Atty. Don Artes, sa ganitong paraan ay mapapanatili ang disiplina at matitiyak din na hindi magiging marumi ang kapaligiran sa mismong araw ng Pasko at bagong taon.
Taun-taon kasi aniya na tone-tonelada ng basura ang kanilang nahahakot sa mga kalsada mula sa mga paputok, na maaari ring magdulot ng peligro sa mga naglilinis.
Una nang hinimok ni DILG Sec. Benhur Abalos ang mga lokal na pamahalaan na magpasa ng ordinansa hinggil sa pagsasagawa ng community fireworks display sa mga common area, tulad ng mga plaza at iba pang designated places.
Samantala, inilunsad kahapon ng Dept. of Health katuwang ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang kanilang “Oplan Iwas Paputok.” —sa panulat ni Airiam Sancho