Nanawagan ang Philippine Fireworks Association (PFA) na dapat mas higpitan na lamang ang mga regulasyon sa halip na ipagbawal ang paggamit ng mga paputok.
Kasunod ito ng paghimok ng Dept. of the Interior and Local Govt. sa mga lokal na pamahalaan na magpasa ng ordinansa ukol sa firecrackers ban.
Giit ni PFA President Joven Ong na hindi kailangang ipagbawal ang mga paputok, dahil ang nangyayari sa ngayon ay ang kakulangan ng regulasyon hinggil dito.
Binigyang-diin pa ni Ong na ang naganap na pagsabog ng isang cargo truck na naglalaman ng mga paputok sa Marikina ay dahil sa hindi wastong pagkakabalot ng mga ito.
Sa halip aniya na firecrackers ban, dapat ipagbawal ng Phil. National Police – Civil Security Group ang mga permit para sa potassium chlorate, na isang common oxidizer sa pyrotechnics na hindi na ginagamit sa ibang bansa. —sa panulat ni Airiam Sancho