Tumaas pa ang bilang ng mga sasakyan na dumadaan sa mga kalsada sa National Capital Region sa gitna ng nalalapit na kapaskuhan at bagong taon.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), umaabot sa 10,000 hanggang 15,000 ang karagdagang volume ng mga sasakyan kada araw sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila, partikular sa EDSA, Circumferential Road 5(C5 road) na nag-uugnay sa mga lungsod ng Las Piñas, Parañaque, Pasay, Pasig, Quezon, Taguig at Valenzuela.
Sinabi ni MMDA Traffic Enforcement Group Dir. Victor Nuñez na na-obserbahan nila ang magandang daloy ng trapiko sa umaga, subalit bumibigat ito pagdating ng hapon dahil sa pagdami ng mga behikulo.
Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan aniya ang kanilang monitoring team sa Dept. of the Interior and Local Government upang matiyak na may alternatibong ruta ang mga motorista.
Samantala, inaasahan ng MMDA ang pagsisimula ng “Exodus” ng mga biyahero sa Disyembre 22, ang last working day bago ang araw ng Pasko. —sa panulat ni Airiam Sancho