dzme1530.ph

PBBM kay Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian: “He was doing his job”

Walang plano ang Administrasyong Marcos na palayasin sa bansa si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian.

Ito ay sa harap ng pagma-matigas ng Chinese envoy pabor sa China kaugnay ng magkakasunod na panghaharas ng Chinese vessels sa Filipino vessels sa West Philippine Sea.

Sa kapihan kasama ang media sa Okura Hotel sa Tokyo Japan, inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sadyang inaasahang palaging titindig ang Chinese Ambassador para sa China, at palagi nitong igigiit ang kanilang naratibo.

Sinabi ni Marcos na kung siya ang personal na tatangungin, dismayado siya sa inia-asal ng Chinese envoy.

Gayunman, ipina-alala ng Pangulo na hindi siya maaaring mag-overreact o magmalabis ng reaksyon, at kailangang pa ring mag-ingat upang hindi magkagulo.

Umaasa rin ito sa pagkakaroon ng mapayapang pag-uusap kaugnay ng sigalot sa West Philippine Sea. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author