Nilinaw ng Philippine Coast Guard na pamatay-sunog lang at hindi gagamitin sa opensiba ang water cannons ng PCG vessels.
Ito ay sa harap ng magkakasunod na pagbomba ng tubig ng Chinese vessels sa Filipino vessels sa West Philippine Sea noong weekend.
Kinumpirma ni PCG Spokesman Commodore Jay Tarriela na ang lahat ng PCG vessels ay mayroong water cannon, ngunit gagamitin lamang itong pamatay sa mga mararanasang sunog sa karagatan, at hindi ito gagawing armas upang magdulot ng pinsala sa ibang sasakyang pandagat.
Kasabay nito’y nanindigan si Tarriela na pananatilihin ng Pilipinas ang mataas na lebel ng moralidad, at hindi sila tutulad at bababa sa lebel ng tsina na gumagawa ng mga barbarikong pag-atake sa mga barkong nagsasagawa lamang ng resupply operations.
Sinabi pa ng PCG Spokesman na mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang nag-utos sa kanila na huwag gumawa ng anumang istupidong bagay na magpapalala ng tensyon. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News