Pumalag ang Pilipinas sa pagpapakalat ng fake news ng China kaugnay ng mga panibagong insidente sa West Philippine Sea nitong weekend.
Ito ay matapos akusahan ng China ang Pilipinas ng pagpuslit sa Ayungin Shoal, na tinatawag nilang “Ren’ai Reef”.
Sinabi pa ng China na sinadyang salpukin ng maliit na bangkang kahoy na “UNAIZAH MAE 1” ng Pilipinas ang isang dambuhalang Chinese coast guard vessel.
Ayon kay National Task Force for West Philippine Sea Spokesman Jonathan Malaya, tila maihahalintulad ito sa pagsasabing sinadyang banggain ng isang tricycle ang isang provincial bus patungong Baguio City.
Bukod dito, iginiit ni Malaya na walang batayan ang akusasyon ng Beijing na ginagatungan ng America ang Pilipinas para galitin ang China, at nilinaw din nito na hindi nakikialam ang USA sa resupply missions ng bansa.
Pinayuhan ni Malaya ang China na mag-ingat sa mga akusasyon na wala namang katibayan. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News